Ma Mon Luk
Ilang beses na rin akong pabalik-balik at padaan-daan sa tapat ng Ma Mon Luk sa Banaue. Mayroon kasi akong palaging kausap sa lugar na iyon. Matagal ko nang gustong pumarada, bumaba at pasukin ang lumang restaurant na ito. Ilang taon na rin naman noong huli akong kumain ng paborito kong siopao at mami ng Ma Mon Luk.
Nitong nakaraang ilang linggo ay mayroon kaming malaking pinaghandaan. Ilang araw ang dumaan na hindi ko pansin ang paglipas ng mga oras at ilang gabi na rin namang hindi ko kapiling ang aking asawa dahil sa dami ng gawain. Natapos na iyon nitong nakaraang lunes. Tingin ko naman ay maayos sa kabuuan ang aking trabaho. Hindi na siguro masama ang magbayad ng P130 para sa ispesyal na siopao at mami ng Ma Mon Luk.
Kinabig ko ang aking manibela pakanan at pumarada ako sa tapat ng pintuan nito. Agad akong bumaba at sinalubong ng walang kaparis na amoy ng mami at siopao na aking paborito. Umupo ako sa marmol na lamesang pinakamalapit sa pintuan upang mahangin-hangin. Hindi pa rin kasi aircon ang Ma Mon Luk.
Ang weyter na ang nagsabi, "Mami and special siopao, ser?" Tumango na lamang ako. Mayroon pa bang ibang kinakain dito? Hindi ko alam. Hindi na rin ako tumingin sa menu at wala rin namang dalang menu ang weyter na nakaputing polo at itim na pantalon.
Ilang sandali pa, dumating na ang aking inorder. Ambango ng beef mami nila talaga. Hindi na ako nagdagdag ng patis o paminta. Okey na ang sarap nito sa akin. Mas lalong okey ang siopao nila. Matambok, mapintog at kung iyong hahatiin ay punumpuno ng laman sa loob. At ito ang ispesyal sa siopao na ito--himay na himay ang asado nito sa loob. Malambot at malasang-malasa. Hindi na baleng malakas ang dating ng sobrang betsin nito. Paminsan-minsan lang naman ito.
Pagkatapos kumain, parang gusto kong antukin. Sana may Ma Mon Luk sa aming kwarto pagdating ko sa amin.



Recent Comments